Isa sa mga kinahihiligan ko simula nung nag grade-one ako ay ang pagbabasa. Mapa-komiks, magasin o kahit yung mga aklat namin sa paaralan, naeengganyo akong buksan at tuklasin ang bawat nilalaman ng pahina. Sa aklat kasi nararating mo ang mga malalayong lugar, nasisisid mo ang Pacific Ocean, nakikilipad ka kay Amelia Earhart, hindi ka napapagod na akyatin and Mount Everest. Sa madaling sabi, kaya mong gawin ang lahat habang nagbabasa ka.
Nakahiligan ko naman ang mga sulat nina Edgar Allan Poe, William Shakespeare at Elizabeth Barrett Browning nung nag high school ako. Mas lalong napukaw ang interes ko sa pagbabasa ng mas malalim pang uri ng literatura. Nalaman kung may iba't ibang uri pala ang asignaturang ito. Mas malawak at mas malawak pang uri na hindi ko kailanman iniisip nung bata pa ako. Siguro dahil nga kailangan nating baybayin ang baitang ng kaunlarang pangkaisipan.
Nung nasa sekundarya ako, mas malapit ako sa asignaturang literatura at mas kampante akong gumawa ng mga bagay na sinusulat at binabasa. Naalala ko, nung nasa ikatlong taon na ako sa sekundarya nang manalo sa patimpalak ang Pabulang ginawa ko. Buwan ng Wika nuon kaya bawat paaralan ay may kanya kanyang patimpalak sa pagsulat, sabayang basa, drama at kung anu-ano pang uri ng literatura at musika. Isa ako sa pinalad.
Pero hindi ang pagsusulat ang naging pangarap ko nuon. Mahilig akong magbasa at ayaw kong magsulat. Sa araw ding yun, natutunan kong maglibang sa pagsusulat ng kung anu-ano. Siguro nakasulat din ako ng mga simpleng tula bukod sa nagawa kong pabula na nanalo nga sa patimpalak sa paaralan.
Simula nuon, dalawa na ang napgtuunan ko ng pansin, ang magsulat at magbasa. Pag mahilig ka kasing magbasa, pihadong magsusulat ka din sa pagdating ng panahon.
Ang pahinang ito ay isang pahina lang na ginawa ko para gampanan kahit papano ang hilig ko sa pagsusulat. Ang bawat nilikha kong liriko o istorya sa pahinang ito ay kathang isip lamang. Maaring makopya ng iba ngunit hindi dapat angkinin ng iba.
Pasukin niyo po ang mundo ko sa pagsusulat.
Maraming Salamat!